Seaman nag-amok: bayaw tinodas, 4 grabe

MANILA, Philippines - Nag-amok ang isang desperadong seaman matapos na walang habas na mamaril sa bahay ng dati nitong misis na humantong sa pagkasawi ng kaniyang bayaw habang apat pa ang nasugatan sa Brgy. Poblacion, Compostela, Cebu kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Cebu Police, nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang suspek na si Antonio Ramon, 45 anyos. Ang suspek ay anim na buwan ng hiwalay sa kaniyang misis matapos itong iwan ng ginang bitbit ang kanilang mga anak dahilan sa sobrang seloso at pagiging lasenggero.

Base sa imbestigasyon, dakong alas-11 ng gabi ng sugurin ng suspek ang bahay ng kaniyang biyenan kung saan tumitira ang kaniyang misis at mga anak sa nasabing lugar at saka namaril.

Kinilala ang nasawi na si Ozram Caesar, 46 anyos. Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatang sina Apolonia Rabillas, 71; Romeo Rabillas Jr., 22; Lucilla Caesar, 43 at Yelda Mae Caesar, 18 anyos.

Bago ito ay nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng suspek at ng mga biktima sa nasabing lugar dahilan hinahanap ng suspek na puwersahang pumasok sa bahay ng kaniyang biyenang si Apolonia ang kaniyang dating misis na si Annabelle. Agad na pinagbabaril gamit ang cal.45 pistol ng suspek ang matanda, isinunod ang bayaw nitong si Ozram na nasawi matapos mapuruhan sa dibdib saka isinunod ang iba pang mga biktima. Nagresponde naman ang mga awtoridad matapos na tumawag sa himpilan ng pulisya ang kapitbahay ng pamilya at nasakote ito nakumpiska ang cal. 45 pistol na ginamit nito sa krimen.

 

Show comments