Dalaga tiklo sa pekeng credit card
BULACAN, Philippines - – Kalaboso ang 31-anyos na dalaga makaraang arestuhin ng pulisya sa aktong gumamit ng pekeng credit card sa shopping mall sa Barangay Bañga, Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng hapon. Kinilala ang suspek na si Christina Tiamzon ng Barangay Lourdes sa bayan ng Minalin, Pampanga. Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Rafmil Corpuz, namili ang suspek kasama ang dalawang kasabwat na lalaki sa kilalang shopping mall gamit ang pekeng credit cards. Gayon pa man, nagduda ang kaherang si Mary Grace Otico sa ginamit na credit cards ng suspek dahil sa kakaiba ang pangalan nito. Dito na inalarma ng kahera ang mall manager kung saan tumawag ng mga pulis para arestuhin ang suspek subalit nakalabas na ito kasama ang dalawang lalaki. Nasakote ang suspek sa loob ng Toyota Hi-Ace Grandia (ZFS-296) kung saan nasamsam ang kahung-kahong gatas at iba pang mamahaling pagkain.
- Latest