MANILA, Philippines - Nasilat ng tropa ng militar ang pananambang ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa convoy ng Philippine Army na magÂhahatid ng relief goods sa Leyte at Samar na sinalanta ng bagyong Yolanda sa bakbakan na ikinasawi ng dalawang lider ng rebelde sa Barangay Balocawe, bayan ng Matnog, Sorsogon kahapon ng umaga.
Ayon kay Col. Joselito Kakilala, Commander ng Army’s 903rd Infantry Brigade, ang mga relief goods na ini-eskortan ng mga sundalo ay ihahatid sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Leyte at Samar na isasakay sa barko sa pier ng Matnog.
Gayon pa man, taliwas sa inaasahan ng mga rebelde ay nakaalerto ang tropa ng Army’s 31st Infantry Battalion, 96th Military Intelligence Company at 22nd Infantry Battalion na nagsagawa ng security/combat operations sa lugar na dadaanan ng convoy kung saan nakaposisyon na sa tabi ng highway para mang-ambush.
Ang bakbakan ay may isang kilometro ang layo mula sa national highway na tumagal ng ilang minuto na ikinasawi ng dalawang rebelde na sina alyas Ka Abel at alyas Ka Win na kapwa opisyal ng NPA sa Sorsogon.
Samantala, isa rin sa mga tauhan ni NPA Commander Jesus Guelas alyas Gapa/ Insoy ang nasugatan sa nasabing bakbakan. Wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng militar.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang tatlong M16 rifle, baby Armalite, M14 rifle, cal. 45 pistol at mga eksplosibo.