Tugboat lumubog, tripulante utas

BATANGAS, Philippines –  Masaklap ang sinapit ng 58-anyos na tripulante ng isang tugboat matapos lumubog ang kanilang sasakyan sa baybayin ng Bauan habang nasa kasagsagan ng bagyong Yolanda kahapon ng umaga.

 Kinilala ni Captain Gregorio Adel, Batangas Coastguard Commander ang nasawing biktima na si Roberto Pelicano, residente ng Davao at isa sa mga tripulante ng  tugboat “Panama 17” habang sugatan naman si Allan Rada, ginagamot na ang sugat sa tiyan sa Bauan Doctors Hospital.

Ayon sa report, hinihila ng “Panama 17” ang crane-barge “Morong” para sumilong sa bagyo nang ta­ngayin sila ng malalakas na hangin at alon sa mabatong baybayin ng Barangay San Pedro bandang alas-6:10 ng umaga

“Lumubog yung tugboat kasama ang 20 crew hanggang ma-trap yung isa at malunod” ani Adel at tina­ngay naman sa ibabaw ng mga bato ang crane-barge “Morong”.

Nagmula ang dalawang sea vessels sa JG Summit Corporation sa Brgy Pinamucan, Batangas City at patu­ngo sana sa anchorage area sa Bauan nang maganap ang insidente.

 

Show comments