TUGUEGARAO CITY , Philippines - Dalawang kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Regional Office dito ang malubhang nasaktan matapos salpukin ng kanilang government SUV na Pajero ang tagilran ng isang pumaparadang trailer ng Gasolina dahil sa kalasingan ng drayber nito sa National Highway ng Brgy. San Lorenzo, Lal-lo, Cagayan kamakalawa.
Kinilala ni SPO1 Gerardo Conde Jr., imbestigador ng Pulisya ng Lal-lo ang mga biktima na sina Brando Jamorabon, driver, at ang sakay nito na si Rolando Aggabao, 25, kapwa residente sa lungsod.
Ayon kay Dr. Marvitex Quebral na positibong lasing ang nasabing drayber ng DENR nang gabing isugod sila ng mga pulis na nakabase sa Brgy. Bangag sa Matilde Olivas District Hospital.
Lumalabas sa imbestigasyon na tinumbok ng Pajero na minamaneho ni Jamorabon ang trailer truck na minamaneho ni Regidor Galvan 35 habang itinatabi nito ang sasakyan upang iparada sa gilid ng highway.
Wasak ang pampublikong sasakyan na Pajero sanhi ng pagkakabangga.