BATAAN , Philippines – Napatay ang 42-anyos na bagong halal na barangay kagawad makaraang ratratin ng motorcycle-riding gunmen sa bayan ng Pilar, Bataan noong Miyerkules ng gabi. Sa naantalang ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Audi Atienza, director ng Bataan PNP, kinilala ang biktima na si Randy Dalisay, 42, ng Barangay Diwa sa nasabing bayan. Si Dalisay na nagtamo ng 13 tama ng bala ng cal. 45 pistol ay idineklarang patay sa Bataan General Hospital sa Balanga City. Nabatid na papauwi na ang biktima mula sa pakikipagpulong sa ilang kaibigan nang harangin at ratratin.Narekober sa crime scene ang 15 basyo ng ca. 45 pistol. Napag-alamang si Dalisay ay ikaapat sa nakakuha ng maraming boto noong barangay election (Oct. 28).