MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang may-ari ng grocery habang napatay naman ang security guard nito at isa pa ang nasugatan sa naganap na komosyon sa Cotabato City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang kinidnap na negosyante na si Mike Guiamani, may-ari ng Sugni Superstore sa Bonifacio Street sa nasabing lungsod.
Nakilala naman ang napatay na sekyu sa palayaw lamang nitong Kaura na binaril ng mga kidnaper nang tangkaing saklolohan ang kanyang amo.
Sugatan naman ang isa nitong kasamahang sekyu na si Mustapha Usman na naiÂsugod sa pagamutan.
Sa ulat ng Cotabato City PNP na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insiÂdente sa harapan ng establisyementong pag-aari ng biktima bandang alas-6:30 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, pauwi na ang biktima kasama ang dalawang sekyu nito nang biglang lapitan ng apat na mga armadong kidnaper, tutukan ng baril at puwersahang kaladkarin ang negosyante.
Gayon pa man, tinangkang saklolohan ng dalawang sekyu ang kanilang amo pero pinagbabaril ang mga ito kung saan napatay si Kaura at sugatan naman si Usman.
Nakatakas naman ang mga kidnaper sakay ng itim na kotse na walang plaka patungo sa hindi pa malamang destinasyon.