MANILA, Philippines - Anim na kandidato sa barangay elections sa Lunes (Okt. 28) ang dinukot ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Sabud, bayan ng Loreto, Agusan del Sur noong Huwebes.
Sa phone interview, sinabi ni Captain Alberto Caber, Army’s regional spokesman, dakong alas- 9 ng umaga nang salakayin ng mga rebelde ang nasabing barangay kung saan dinukot sina Lito Andalaque, Balaba Andalaque, Reynaldo Piodos, Marvin Bantuasan, Gina Bantuasan, at si Pepe Subla na pawang miyembro ng Tribong Lumad.
Sa inisyal na imbestigasyon, nais ng mga rebelde na impluwensyahan ang eleksyon kaya binihag ang mga biktima na sinasabing kalaban ng mga kandidatong sinusuportahan ng NPA.
Nabatid na naunang hinarass ng NPA ang detachment ng militar sa nasabing bayan kung saan sumunod namang sinalakay ang Barangay Sabud kung saan binihag ang mga biktima.
Kaugnay nito, bumuo na ng Crisis Management Committee ang pamahalaang lokal para sa ligtas na pagpapalaya sa mga biktima.