NORTH COTABATO , Philippines – Walo-katao kabilang ang apat na sundalo ng Phil. Army ang napaslang habang lima naman ang nasugatan sa magkahiwalay na pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army sa lalawigan ng North Cotabato kahapon ng umaga.
Ayon kay AFP –Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala II, bandang alas-9:20 ng umaga nang magpasabog ng landmine ang NPA sa hangganan ng Barangay Caridad at Brgy. Bituan sa bayan ng Tulunan.
Patay agad ang tatlong Cafgu at apat na sundalo habang isa pa sa mga kasamahang sundalo ang nasugatan matapos na masabugan ng landmine at sinabayan pa ng pagpapaulan ng bala ng mga rebelde.
Nabatid na ang tropa ng Army’s 38th Infantry Battalion ay magde-deliver sana ng salary allowance ng mga Cafgu sa pamumuno ni Captain Ernesto Aguilar nang tambangan ng mga rebelde na nauwi sa maikling palitan ng putok.
Samantala, bandang alas -11:25 naman ng umaga nang magsagawa ng reinforcement ang tropa ng Army’s 57th Infantry Battalion na lulan ng military truck nang masabugan din ng landmine na itinanim ng mga rebelde sa bahagi ng Brgy. Luna Sur sa bayan ng Makilala.
Isang sundalo ang napatay sa insidente at apat naman ang nasugatan kabilang si Lt. Bruno Hugo ng 57th Infantry Battalion kung saan sa kabila ng sorpresang pag-atake ay nagmaniobra ang mga sundalo na nakipagpalitan ng putok sa mga rebelde.