Bata utas sa kidlat

MANILA, Philippines - Patay ang isang 7 anyos na batang lalaki habang marami namang kabahayan ang napinsala kabilang ang pag-aari ng isang alkalde at bise nito sanhi ng ‘thunder storm ‘ o  masungit na panahon na tumama sa bayan ng Midsalip, Zamboanga del Sur kamakalawa .

Kinilala ni Police Regio­nal Office (PRO) 9 Spokesman Chief Inspector Ariel Huesca ang nasawing biktima na si Bryan Relativo, Grade 1 Pupil, residente ng Purok 3, Brgy. Palili sa naturang munisipalidad.

 Bandang alas-3:30 ng hapon ng kumidlat ng malakas na sumapul sa katawan ng paslit na nagkataong naglalaro sa harapan ng tahanan ng kanilang kapitbahay.

Sinabi ni Huesca, dakong alas-2 pa lamang ng hapon ay humangin ng malakas at kasunod nito ay ang malakas na pag-ulan sa lugar kung saan ilang kabahayan ang nawasak sa Brgy. Poblacion A, B, at Guma Causing.

Samantalang nagdulot din ito ng mga pagbaha sa lugar at pagkabuwal ng mga puno. Kabilang naman sa nagtamo ng pinsala matapos na matanggalan ng bubungan ang bahay ni Mayor Liwaya Albro –Paras at nawasak din ang reception hall sa tahanan ni Vice Mayor Leonida Angcap.

 

Show comments