Holdap: P9.4-M ng 4Ps ni PNoy tangay

CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines - – Umaabot sa  P10-milyong pondo mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nakulimbat ng mga armadong lalaki matapos holdapin ang limang kawani ng Philpost sa Mahar­lika Highway sa bayan ng Pagbilao, Quezon noong Martes ng tanghali.

Ayon kay P/Chief Supt. Jesus Gatchalian, Region 4 police director, sakay ng Starex van (WFC 753) ang limang kawani ng PhilPost nang harangin ng mga armadong kalalakihan sa kahabaan ng highway sa Sitio Polong Guiting, Barangay Silangang Malicboy bandang alas-12 ng tanghali.

Nabatid na  nanangha­lian sa Valmyn’s Eatery ang mga kawani ng Philpost Regional Office (San Pablo City) na sina Brian Mag­butay Dizon, Odith Jaurigue Cadano, Ge­raldine Fabila Badong, Nino Santiago Calabia at si Patrick James Gesulga Putungan nang holdapin.

Tumangging ibigay ng driver na si Dizon ang susi ng van kaya ito binaril ng dalawang beses sa kanyang paa.

Nang makuha na ang susi ng van, minaneho ito ng isa sa holdaper pero hindi sila nakalayo dahil mabigat ang daloy ng trapiko.

Gayon pa man, kinuha na lamang ng mga holdaper ang bag na naglalaman ng pera at isinakay sa motorsiklo hanggang nakatakas patungong bayan ng Pagbilao.

Ayon sa mga biktima, ang perang dala nila ay nakatakda sanang ipamahagi sa mga mahihirap na residente sa bayan ang San Francisco, Quezon.

Naisugod naman sa Jane County Hospital ang sugatang driver ng van matapos magtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa kaliwang paa.

Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng cal. 9mm pistol, dalawang basyo ng bala at ng cal. 38 revolver.

 

Show comments