Ina utas, mister, anak grabe sa truck

TUGUEGARAO CITY, Philippines- Patay ang isang 46 anyos na ginang habang nasa kritikal namang kondisyon ang mister at 4 anyos nitong anak na lalaki makaraang suwagin ng isang ten wheeler truck ang sinasakyan ng mga itong tricycle sa highway ng Brgy. Dubinan West, Santiago City , Isabela kamakalawa.

Kinilala ni SPO2 Elmer Calibuso, City Police traffic investigator ang nasawi na si Leilyn Rustia samantalang malubha naman naisugod sa pagamutan ang mister nitong si Eduardo, 46 na siyang driver ng tricycle at anak nilang si Alex.

Lumalabas sa imbestigasyon na tinumbok ng isang sumusunod at rumaragasang dump truck ang sasakyan ng mag-anak na dahilan upang mapunta ang mga ito sa kabilang linya ng highway  na minalas namang sinalpok  ng kasalubong na ten wheeler truck na minamaneho ni Arnel Abello, 46 ng San Manuel ng lalawigan.

Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.

Show comments