4 pang bangkay ng MNLF natagpuan

MANILA, Philippines - Umaabot na sa 212 ang death toll ng Moro National Liberation Front (MNLF) fighters matapos na apat pang naagnas na bangkay na miyembro ng grupo ang narekober sa patuloy na clearing operations sa Zamboanga City kamakalawa.

 Ayon kay Major Angelo Guzman, Deputy Spokesman ng AFP-Public Affairs Office (AFP-PAO), isa sa mga bangkay ng MNLF fighter Nur Misuari faction at isang M14 rifles ang narekober ng security forces sa clearing operation sa Brgy. Rio Hondo nitong Biyernes ng hapon.

 Ang Brgy Rio Hondo ay kabilang sa anim na barangay na sinakop ng MNLF fighters noong Setyembre 9 sa lungsod ng Zamboanga. Kabilang pa sa mga sinalakay ng armadong grupo ng limang Commanders ng MNLF fighters  sa pamumuno ni Commander Habier Malik ay ang Brgy. Mariki, Mampang, Sta Catalina, Sta Barbara  at Talon-Talon.

Samantalang, tatlo pang halos kalansay ng mga bangkay ng MNLF fighters ang nahukay naman sa Brgy. Sta Barbara ng lungsod dakong alas-11:50 ng tanghali.

 Ang krisis na nilikha ng MNLF ay tumagal ng 20 araw na idineklara ng pamahalaan na tapos na noong Setyembre 28 ng taong ito at agad namang sinimulan ang clearing operations nitong ika-30 ng nasabing buwan.

Sa tala  ng AFP, umaabot na sa 212 ang napatay na MNLF fighter at 294 naman ang sumuko at nasakote ng security forces. Sa hanay ng AFP ay 20 ang nasawi, 177 ang nasugatan habang sa PNP ay anim ang nasawi at 14 ang sugatan. Sa mga nadamay na sibilyan ay 12 ang namatay at 54 naman ang nasugatan habang 195 namang sibilyan ang nailigtas. 

 

Show comments