6 arestado sa drug den

MANILA, Philippines - Kalaboso ang binagsakan ng anim-katao matapos arestuhin ng mga ope­ratiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya sa isinagawang pagsalakay sa itinuturing na drug den sa Barangay Poblacion sa bayan ng Nabunturan, Compostela Valley, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga suspect na sina Rex “Ekbot” Dulcero, 22; Joel “Wing” Dulcero, 39; Demetrio “Dondon” Dulcero Jr., 30; Jojit Jit-Jit” Mura, 35; Rodel “Cocoy” Ando, 37; at si  Jestonie “Tony” Andigan, 26.

Ayon sa PDEA, sina Ando at Andigan ay itinuturing na nasa talaan ng drug personalities at kapwa sinasabing mga kawani ng Provincial Capitol ng Compostela Valley.

Isinagawa ang pagsa­lakay base sa search warrant na inisyu ni Judge Virginia Tejano-Ang ng Tagum City Regional Trial Court Branch 1 sa Davao del Norte.

Nasamsam sa mga suspek ang 20 gramo ng shabu at assorted drug paraphernalia sa loob ng bahay ng pamilya Dulcero.

 

Show comments