Chairman kritikal sa pamamaril

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Kasalukuyang nasa malubhang kalagayan ang 44-anyos na barangay chairman makaraang pagbabarilin ng dalawang armadong­ lalaki sa Brgy. Lattut sa liblib na bayan ng Rizal, Cagayan noong Miyerkules ng umaga. Kinilala ni P/Senior Insp. Arthur Sto. Tomas, hepe ng Rizal PNP ang biktima na si Chairman Eduardo “Santung” Datul, 44, ng nasabing barangay. Base sa ulat ng pulisya, lumalabas na sinita ng biktima ang mga suspek na sina Eugene Bergonia at Jake Molina dahil sa may nakasukbit na baril sa baywang habang nakatayo sa waiting shed. Dito na pinagbabaril ng dalawa ang biktima kung saan nagkunwari namang patay na ito kaya tumakas ang mga suspek sa pag-aakalang napatay ang chairman. Pinaniniwalaang may bahid-pulitika ang naganap na krimen dahil masugid na supporter ni  Rizal Mayor Joel Ruma ang biktima at kandidato ito sa nalalapit na halalang pam­barangay sa Okt. 28.

Show comments