CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Umaabot sa labimpito-katao ang grabeng nasugatan matapos na sumalpok ang pampasaherong bus sa nakaparadang trailer truck sa kahabaan ng Andaya highway, Barangay Binahan Proper sa bayan ng Ragay, Camarines Sur kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa mga sugatang naisugod sa Bicol Medical Center ay sina Marife Regulado, Severo Regulado, Divina Hernandez, Edgardo Laroza, Salve Pano, Prescila Sina, Lorna Del Castillo, Wilson Epoo , Rex delos Santos, Desideria Celos, Loreta Paglinawan, Rowena Blanza, Arwin Blanza Jr., Arwin Blanza Sr., Leona Balingit, Ronnel Cortez, conduktor ng bus; at ang drayber ng bus na si Carlito Castro.
Napaulat din na bukod sa 17 malubhang nasugatan ay may iba pang mga pasahero na sugatan sa insidente bagaman bahagya lamang ang tinamong sugat sa katawan.
Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, naganap ang sakuna bandang alas-2:45 ng madaling araw habang bumabagtas ang Raymund Bus (EVU-342 ) mula sa Metro Manila nang aksidente sumalpok sa likuran ng nakaparadang trailer truck (CUM -836).
Nabatid na halos kalahati ng highway ang inakupa ng trailer truck na pagmamay-ari ng Partido Marketing Corporation na minamaneho ni Garry Onion nang bumangga rito ang humahagibis na bus.
Sa lakas ng pagkakabangga ay nasugatan ang mga biktima na karamihan ay mga pasaherong humagis sa kanilang upuan dahil sa pawang natutulog ang mga ito.