Tiyahin ng Solon utas sa akyat-bahay

BACOLOD CITY, Negros Occidental , Philippines—Napaslang ang tiyahin ni Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares makaraang pagbabarilin ng tatlong miyembro ng Akyat-Bahay Gang na nanloob sa kanilang bahay sa Barangay Masulong sa bayan ng La Castellana, Negros Occidental noong Sabado ng hapon. Napuruhan sa sikmura si Delia Colmenares, 54, biyuda, habang sugatan na naisugod sa Riverside Medical Center ang dalawa nitong anak na sina Antonio Jose, 28; at Ma. Pamela, 19. Ayon kay P/Senior Supt. Milko Lirazan, Negros Occidental PNP director, naganap ang insidente na magpapasahod sana ang biktima sa kanyang manggagawa sa plantasyon ng tubo. Hindi naman nabuksan ng mga kawatan ang safe deposit box ng biktima. Freeman News Service

Show comments