Barangay chairman uli, itinumba

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Isa na namang barangay chairman ang napatay matapos ratratin ng riding-in-tandem gunmen sa Barangay Calaccab, bayan ng Angadanan, Isabela kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang napaslang na si Chairman Rosendo Segismundo, 52, ng Barangay Anonang sa bayan ng San Guil­lermo, Isabela. 

Sa inisyal na ulat ng pulisya, napag-alaman na kasama ni Kapitan Segismundo ang kanyang hipag na si Nora Segismundo sakay ng tricycle patungo sa kalapit na bayan ng Alicia, Isabela para maghatid ng mga panindang saging sa palengke.

Pansamantalang tumigil ang ang biktima sa tapat ng Calaccab Ele­mentary School para punasan ang harapan ng kanyang traysikel subalit nang muling sumakay ito ay agad siyang tinabihan at niratrat ng tandem na kapwa naka-bonnet.

Narekober sa crime scene ang 5-basyo ng bala ng cal.9mm pistol.

Noong nakalipas na buwan ng Agosto, itinumba rin ng tandem ang dalawang barangay chairmen sa Santiago City at Cauayan City.

Show comments