Plantation manager utas sa NPA attack

NORTH COTABATO, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang 46-anyos na plant manager habang nasugatan naman ang isa pang kasama nito sa marahas na pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army na nagpasabog pa ng landmine sa rubber plantation sa Barangay Taluntalunan, bayan ng Makilala, North Cotabato kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Senior Insp. Ma. Joyce Birrey, hepe ng Makilala PNP ang napatay na si Hector Lalaguna na mapuruhan sa pagsabog ng landmine habang malubhang nasu­gatan ang isa pang kawani na si Francisco Manliquez Undag Jr., 47.

Sa ulat ni Lt. Nasrullah Sema ng Army’s 57th Infantry Battalion civil-military operations office, bandang alas-10 ng gabi nang sa­lakayin ng grupo ni Felix “Ka Jing” Armodia ang Standard Rubber Development Corporation (STANDICO) na pag-aari ng negosyanteng si Butch Pacheco.

Gayon pa man, naba­litaan ni Lalaguna na sina­lakay ng NPA ang kanilang  plantasyon kaya kaagad na rumensponde kasama si Manliquez sa pagbabakasakaling mapakiusapan ang mga rebelde na huwag isabotahe ang kanilang mga kagamitan pero na­sabugan ng landmine.

Maging ang proces­sing plant sa plantasyon na aabot sa tatlong ektarya ay sinunog din kasama ang mga bagong gawang goma at ilang kabahayan.

Aabot sa P10 milyong ha­laga ng ari-arian ang napinsala sa naganap na pananabotahe.

“The burning by the NPA is very much painful to the 600 workers who will be lo­sing their jobs because of this incident. Extortion demand is the motive.” Pahayag ni Lt. Col. Noel Dela Cruz ng Army’s 57th Infantry Battalion.

 

Show comments