MANILA, Philippines - Tatlo katao ang patay kabilang ang isang dating bise alkalde at isang pulis habang dalawa pa ang sugatan matapos na mauwi sa barilan ang bangayan sa pasugal sa isang lamayan ng patay sa bayan ng Dolores, Abra kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Cordillera Police, ang mga nasawi ay sina dating Abra Vice Mayor Dante Guzman, 53-anyos, kapatid nitong si Police Officer 3 Dindo Guzman, 45, at kalaban ng mga itong si Jun Cabanawan, umano’y bodyguard ni Dolores Mayor Robert Victor ‘Jay-R’ Seares.
Ang magkapatid na Guzman at si Cabanawan ay pawang idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas ang dalawang sugatan na sina Christopher Tordil, 40, at Cesar Zapat, 34.
Matapos ang madugong engkuwentro, sumuko sa pulisya ang itinuturong nagsimula ng kaguluhan na si Christian Cortez.
Sa imbestigasyon, dakong alas-11:20 ng gabi habang ang mga biktima ay nagsusugal sa lamay ng patay nang magkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan na humantong sa baÂngayan nina PO3 Guzman at Cortez.
Tinangka umanong kapÂkapan ni PO3 Guzman ng baril si Cortez pero umiwas ito at lumabas sa lamayan subalit sinundan ng una at dito na nagkabarilan. Narinig ng dating bise alkalde ang putok ng baril kaya agad na sumunod sa labas at muling umalingawngaw an sunud-sunod na putok ng baril.
Hinihinala na may bahid pulitika ang insidente dahil magkalaban ang pamilya Guzman at ang kasalukuyang alkalde dito na si Mayor Seares. Sina Cortez, Cabanawan, civilian escort ni Seares at ang dalawang nasugatan ay mga tauhan ng naturang incumbent mayor.
Samantalang ang mga Guzman ay kapatid ni ABRECO Chairman of the Board David Guzman na natalo sa eleksyon noong Mayo 2013 kay Mayor Seares.