Pulis, 2 pa tinodas sa resto

MANILA, Philippines - Tatlo-katao kabilang ang isang pulis ang iniulat na napaslang habang dalawang iba pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang ratratin ng mga di-kilalang kalalakihan ang tunay na puntiryang opisyal ng Vo­lunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa loob ng restaurant sa Gapan City, Nueva Ecija kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Nueva Ecija provincial PNP director P/Senior Supt. Crizaldo Nieves, kabilang sa na­patay ay sina Rufino Vendivil, 44, driver, ng Barangay Mahipon; King Jasper Juvinal, estudyante ng Midway Maritime Academy at si PO2 Jefferson Lim ng Provincial Public Safety Company ng Nueva Ecija Provincial PNP Office na namatay habang ginagamot sa ospital.

Kasalukuyan namang nasa Intensive Care Unit ng Good Samaritan Hospital sina Consuelo Manse, 86; at Rodney Garcia, 16, isa ring estudyante.

Base sa police report, kumakain ang mga biktima sa Sizzling Restaurant sa Barangay San Lorenzo nang biglang dumating ang limang armadong kalalakihan na lulan ng Toyota Hi Lux na may improvised na plakang TT 1506.

Dito na pinuntirya ng mga armadong kalalakihan si Elmer Somera pero nagawa nitong makatakbo palabas ng restaurant kaya ang tinamaan ay ang mga biktimang kumakain.

Narekober sa  crime scene ang mga basyo ng bala habang natagpuan na rin ang getaway vehicle ng gunmen sa bahagi ng Brgy. Malapit sa bayan ng San Isidro.

Show comments