MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng pulisya ang No.9 most wanted na Swiss national matapos matunton ang pinagtataguan nito sa island resort ng Boracay sa Malay, Aklan kamakalawa.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 6 Director P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang nasakoteng suspek na si Marcel Duschletta, 42 anyos.
Ayon kay Cruz si Duschletta ay nasakote bandang alas-9:45 ng umaga ng pinagsanib na elemento ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) at ng Malay Police sa tinutuluyan nito sa Brgy. Manoc-Manoc, Boracay, Malay.
Ang dayuhang pugante ay inaresto sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-violence against women and their children) na isinampa laban dito sa korte ng Angeles City, Pampanga.
Sinabi ni Cruz na si Duschletta ay nagtago sa Boracay Island matapos na mag-isyu ng warrant of arrest laban dito si Judge Bernadita Gabitan-Erum ng Regional Trial Court (RTC) Branch 61 ng Angeles City Pampanga at inirekomenda rin ang P50,000 piyansa para sa pansamantala nitong kalayaan.