P2-M pabuya vs CDO bomber

MANILA, Philippines - Nakahandang magkaloob ng P2 milyong pabuya ang lokal na pamahalaan ng  Cagayan de Oro City para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa makapagtuturo sa mga suspek na nasa likod ng malagim na  pambobomba sa Kylas Bistro Bar noong Hulyo 26 ng gabi na kumitil ng buhay sa walo-katao habang 46 iba pa ang nasugatan.

Sa television interview, sinabi ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno na umaasa silang malaki ang maitutulong ng pabuya para malutas ang kaso at mabigyang hustisya ang mga biktima.

Nabatid sa opisyal na ang P2 milyong halaga ay manggagaling sa intelligence funds ng pamahalaang lungsod.

Noong Hulyo 26, isang bomba ang sumabog sa entrance gate ng Kyla’s Bistro Bar sa Limkethai Complex kung saan namatay sina Misamis Oriental Board member Roldan Lagbas, Dr. Erwin Malanay, Dr. Marciano ‘Jun ‘ Agustin at iba pa.

Nitong Biyernes ng umaga ay isinagawa ang solidarity mass at walk for peace sa blast site eksaktong isang linggo matapos ang malagim na insidente.

Ipinahayag ni Mayor Moreno na kung sinuman ang mayroong nalalaman sa malagim na pambobomba ay mangyaring makipag-ugnayan lamang sa kaniyang tanggapan upang mabigyan ng seguridad.

Sa pahayag naman ni PNP Chief Director Ge­neral Alan Purisima na may progreso na ang imbestigasyon at nakilala na ng ilang testigo ang mga pangunahing suspek kung saan bineberipika pa kung nagtutugma lahat ng statements ng mga witnesses.

Show comments