MANILA, Philippines - Pinabulagta ang 53-anyos na freelance photojournalist ng tabloid makaraang pagbabarilin ng mga di-kilalang lalaki sa harapan ng kaniyang asawa at anak na babae noong Huwebes ng gabi sa General Santos City, South Cotabato.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Mario Sy ng Purok Sta. Cruz Silway, Brgy. Dadiangas West ng nasabing lungsod.
Si Sy ay contributor sa ilang lokal na pahayagan ng lungsod kabilang ang SAPOL News at bukod dito ay kumukuha rin ito ng mga larawan sa mga kasalan at iba pang mahahalagang okasyon.
Lumilitaw na biglang pumasok ang gunman sa tahanan ng pamilya Sy at pinagbabaril ang biktima.
Narekober naman sa crime scene ang dalawang basyo ng cal.45 pistol.
Kaugnay nito, kinondena naman ni JB Devesa ng National Union of Journalist of the Philippines Mindanao Media Safety Office ang pamamaslang kay Sy.
Sa tala, sakaling mapatunayang may kinalaman sa trabaho ang pamamaslang kay Sy ay pang-158 media practitioner na ang pinaslang simula noong 1986 at pang 18 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.