30,000 inilikas sa Maguindanao

MANILA, Philippines - Umaabot na sa  30,000-katao ang inilikas  matapos na lumubog sa tubig-baha ang 16 ba­rangay sa Maguindanao at North Cotabato sanhi ng pag-apaw ng Liguasan Marshland dahil sa patuloy na buhos ng ulan sa nakalipas na 3-araw, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng Office of Civil Defense Central Minda­nao, bunga ng pagragasa ng flashflood umpisa pa noong Sabado hanggang sa kasalukuyan ay sinuspinde na ang klase sa ilang eskuwelahan sa elementarya at high school kahapon.

 Kabilang naman sa mga apektado ng mga pagbaha ay ang mga barangay sa  Northern Kabuntalan, Kabuntalan Mother, Sultan Kudarat, Datu Piang, Talayan, Guindulungan, Datu Saudi, Datu Anggal, Datu Odin Sinsuat, Pagalungan at Datu Montawal na nasa Maguindanao.

Samantala, sa North Cotabato ay  lubog din sa baha ang ilang barangay sa  mga bayan ng  Pigcawayan, Libungan, Midsayap, Aleosan at Pikit na malapit sa marshland.

Sa Cotabato City , aabot naman sa 25 hanggang 37 barangay ang lubog sa baha umpisa pa kamakalawa kung saan umabot sa 20,000 residente ang inilikas.

Samantala, sa Maguindanao ay aabot sa 5,000 pamilya ang inilikas habang nasa 4,000 naman sa iba pang lugar sa North Cotabato. 

Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods sa mga residenteng apektado ng tubig-baha.

 

Show comments