VP ng bangko, trader nasagip sa kidnapper

MANILA, Philippines - Matagumpay na nailigtas ng mga operatiba ng pulisya ang kinidnap na lalaking executive vice president ng isang bangko at negos­yanteng babae habang ares­tado naman ang isa sa mga kidnapper sa pay-off sa parking lot ng isang mall sa Cabanatuan City, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Francisco Uyami Jr., ang nasagip na mga biktima na sina Aurelio Villaflor, 62, Execuvite Vice President ng GM Bank, isang rural bank sa lalawigan at ang kasama nitong negos­yanteng si Evangeline Urgente, 37 anyos.

Arestado naman ang isa sa mga kidnapper na si John Viterbo del Rosario habang nasa aktong tinatanggap ang P400,000 ransom sa isang pumosteng pulis na nagpanggap na kamag-anak ng dalawang biktima.

Ayon kay Uyami, dakong alas-4 ng hapon ng isagawa ang payoff matapos na makipagkoordinasyon ang pamilya ng mga biktima sa mga operatiba ng pulisya  sa napagkasunduang parking lot ng Mega Center Mall ng lungsod.

Sa ulat ni Uyami kay PNP Chief Director General Alan Purisima, ang dalawang biktima ay dinukot ng 7 armadong kalalakihan sa Brgy. Dinarayat, Tala­vera, Nueva Ecija bandang alas-7:55 ng gabi at hu­mingi ng P3.5 M ransom ang mga suspek na naibaba sa P40,000 at kasunod nito’y itinakda ang payoff sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip ni Villaflor at pagkakaligtas sa dalawang biktima.

 

Show comments