MANILA, Philippines - Anim katao kabilang ang isang Board member at isang doktor ang nasawi habang 37 pa ang nasugatan matapos na mauwi sa gabi ng lagim ang isang masayang party sa pagsabog ng bomba sa isang bistro bar sa compound ng isang premier shopping mall sa Cagayan de Oro City nitong Biyernes bago maghatinggabi.
Sa Camp Crame, agad namang ipinag-utos ni PNP Chief Director General Alan Purisima ang masusing imbestigasyon, pag-aresto at pagsasampa ng kasong kriminal laban sa nasa likod ng pambobomba.
Kinilala ang mga nasawi na sina Misamis Oriental Provincial Board member Roldan Lagbas mula sa 1st District ng lalawigan; Dr. Erwin Malanay at ang tatlong medical sales representatives ng Sandoz Philippines Corporation na sina Anthony Cañete, Ryan Estose, Emmanuel Palafox at Antonio Paredes.
Sinabi ni Police Regional Office (PRO) 10 Director P/Chief Supt. Catalino Rodriguez Jr. sina Lagbas at Malanay ay idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan habang ang apat pa ay pawang dead-on-the-spot sa insidente. Tinataya namang nasa 100 katao ang kustomer ng restobar sa loob at labas nito ng mangyari ang pagsabog dahilan dinarayo at nagpa-party dito tuwing Biyernes at Sabado ng gabi.
Kabilang naman sa mga sugatan ay sina Serafin Co, Gilbert Espiritu, Divine Dingal, Sairagan Haboc, Joey Guita, Adecer Quizon, Romilyn Bacsarsa, Fely Egango, Lilibeth Paredes, Dante Aguinaldo, Ricky Butac, Clint Dacer, Jayjay Quijoy, Merly Tamayo na pawang taga Iligan City at iba pa.
Ayon sa opisyal, naganap ang malagim na pagsabog ng isang uri ng Improvised Explosives Device (IED) dakong alas-11:30 ng gabi sa labas ng Kyla’s Bistro and Candys Café sa Rosario Arcade na nasa compound ng Limkethai Shopping Mall sa Lapasan, Cagayan de Oro City.
Ayon naman kay Cagayan de Oro City Police Director P/Sr. Supt. Graciano Mijares, sa pahayag ng ilang testigo sa mga awtoridad, isang lalaki umano na naka-backpack ang pumasok sa loob ng Kyla’s Bistro bar at matapos ang ilang minuto ay nagmamadaling umalis na iniwan ang dala nitong bag sa isang silya malapit sa entrance ng bistro bar kung saan ilang saglit pa ay naganap ang pagsabog ng bomba.
Sinabi pa ng opisyal, maraming mga doktor ang nasa lugar kaugnay ng ginaganap na convention ng Philippine College of the Chest Physicians sa lungsod. Kasalukuyan namang iniimbestigahan kung anong uri ng bomba ang ginamit sa pagpapasabog at ipalalabas na rin ang cartographic sketch ng suspek.