MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng tatlong magsasaka matapos ratratin ng siyam na kalalakihan saka sinunog pa ang mga bangkay sa liblib na bahagi ng Sitio Magabobong, Upper Maton sa bayan ng Pudtol, Apayao, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Albertlito Garcia, director ng Apayao PNP, kabilang sa brutal na pinatay ay sina Felix Matulot, 75; Jayson Acob, 29; at si Rogelio Rupad, 39.
Nakaligtas naman ang isa sa kasamahan ng tatlo na si Elevencio Matulot, 44, nagsilbing susi upang maituro ang siyam na suspek na sina Dionisio Batalao Bernal, Tubban Luban, Beltran Francisco, Divina Dandan, Gerald Daluguis, Marcelo Luban, Alex Luban, Bryan Bernal, at si Charlie Igwad na pawang nakatira sa bayan ng Kabugao sa Apayao.
Ang bangkay ng tatlo ay positibong kinilala ng kanilang pamilya at ng survivor na si Matulot na nagawang makaligtas matapos magtatakbo habang niraratrat siya at ang kaniyang mga kasamahan bago nagtago sa bahay ng kaniyang ina sa Barangay Waga.
Kinabukasan ng Lunes ay nagdesisyon si Matulot na mag-report sa pulisya kung saan tinungo naman ng mga awtoridad ang pinangyarihan ng insidente.
Natagpuan ang halos hindi na makilalang bangkay ng mga biktima na magkakasama sa sinunog na bahay sa pagtatangkang itago ang krimen.
Sinabi ni Garcia na ang insidente ay nai-report sa pulisya kamakalawa dahil sa may kalayuan ang nasabing lugar.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng iba’t ibang uri ng baril kabilang ang shotgun habang patuloy ang pagtugis sa mga suspek.