Clan war: 10 bulagta, 4 sugatan

MANILA, Philippines - Umaabot na sa 10-katao ang iniulat na bumulagta habang apat naman ang sugatan makaraang magsagupa ang magkalabang angkan habang idinaraos ang Ramadan sa bayan ng Bayang, Lanao del Sur, ayon sa ulat ng pulisya.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Nixon Mucsan, Lanao del Sur PNP director, nag-umpisa ang bakbakan sa pagitan ng mga angkan ng Kapal at Macugar noong Sabado ng umaga at humupa lamang kamakalawa ng hapon.

Umaabot naman sa anim kabahayan ang sinunog sa dalawang araw na bakbakan ng magkabilang panig sa Barangay Linao habang nagsilikas naman ang 100 residente sa takot na maipit sa bakbakan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagkrus ang landas ng magkaaway na angkan na nauwi sa matinding bakbakan.

Humupa lamang ang tensyon matapos na ma­magitan ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan maging ang mga operatiba ng pulisya katuwang ang tropa ng militar.

Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na pulitika ang motibo ng bakbakan matapos na isa sa angkan ng mga Macugar ang matalo noong May 2013 local elections na pinararata­ngan ang angkan ng mga Kapal na pandaraya.

 

Show comments