CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines– Hindi na nasilayan ng isang sanggol ang sikat ng araw matapos itong mamatay sa sinapupunan habang malubha naman ang kanyang ina matapos malason sa kinaing meryendang ube sa Barangay Sto. Niño, bayan ng Virac, Catanduanes kamakalawa. Namatay sa Eastern Bicol Medical Center ang sanggol sa sinapupunan habang malubha naman ang nanay na si Gigi Dela Rosa. Samantala, ginagamot naman sa ospital sina Jeffrey Dela Rosa, mister ni Gigi; dalawa nitong anak, at ang mag-asawang Ryan Dela Rosa at Mary Jane Dela Rosa. Pinaniniwalaang hindi nahugasan ng maayos ang tinalupang wild yam na sinasabing katulad ng ube kaya nakalason sa mga biktima.