2 magsasaka tsinap-chop, pinugutan

LA TRINIDAD, Benguet, Philippines - Dalawang magkaibigang magsasaka na sinasabing nawawala noong Hulyo 3 ang tsinap-chop saka pinugutan bago ibinaon sa mababaw na hukay sa gitna ng palayan sa Barangay San Jose, bayan ang Flora, Apayao noong Lunes.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Emerson Frugganan, 43; at Reynante Menor, 33, kapwa nakatira sa nabanggit na  barangay.

Sa ulat ng pulisya, ang dalawa ay iniulat na nawawala may dalawang linggo na ang nakalipas bago matagpuan sa palayang pag-aari ni Felix Dagdagan Sr. matapos ang masusing paghahanap ng mga awtoridad.

Sa nakalap na impormasyon ng pulisya, lumilitaw na nakipag-inuman ang dalawa sa kapwa magsasaka na sina Dexter Judi, 30; at Efren “Bulut” Valle subalit hindi na nakauwi hanggang sa bumuo ng search team ang pamilya ng mga biktima kasama ang ilang pulis.

Sa pangunguna ni P/Senior Insp. Felipe Irving, natagpuan ang mga katawan ng da­lawa na walang ulo at pinagputul-putol ang mga hita saka isinako at inilibing sa mababaw na hukay sa nabanggit na lugar.

Ayon pa sa ulat, ang mga gamit ng dalawa kasama ang dalawang piraso ng buto ng tao ay natagpuan naman malapit sa farmhouse ng isang alyas Efren Valle. Patuloy naman ang imbestigasyon sa karumal-dumal na pamamaslang sa dalawa.

Show comments