3 kidnaper tumba sa shootout

MANILA, Philippines - Bumulagta ang tatlong kidnaper habang nailigtas naman ang negosyanteng babae na dinukot noong Hulyo 5 makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng Davao City PNP kahapon sa Da­vao City, Davao del Sur.

Kasalukuyang bine­beripika pa ang pagkakakilanlan ng tatlong napatay habang arestado naman ang isa sa mga kidnaper na isinailalim sa tactical interrogation.

Kinilala naman ni Davao City PNP director P/Senior Supt. Ronald dela Rosa ang negosyanteng si Sally Chua, 52, may-ari ng autoshop sa Quezon City.

Tinutugis naman ang sampu pang kasabwat sa kidnapping na lulan ng da­lawang Mitsubishi Pajero.

Nabatid na dinukot si Chua noong Hulyo 5 sa Quezon City saka dinala sa Davao City lulan ng barko.

Ayon sa ulat, humihingi ng P100 milyong ransom ang mga suspek kung saan nauwi sa halagang P50 milyon. Nakipagtawaran naman si Chua sa mga kidnaper kung saan naibaba ang ransom sa P15 milyon.

Pumayag naman ang mga kidnaper subalit na­kiusap si Chua na makukuha ang malaking halaga sa sa­ngay ng Allied Bank sa C.M. Recto Street sa Davao City.

Napag-alamang idea ni Chua na maibigay niya ang ransom money sa nasabing lungsod dahil naniniwala siya na masasakote ang mga kidnaper sa lalong madaling panahon.

Sinamahan naman ng isa sa mga kidnaper si Chua na pumasok sa nasabing banko habang naghihintay naman ang tatlo sa loob ng SUV (BW3086) .

Habang abala sa pagbibilang ng malaking halaga ang isa sa mga kidnaper sa loob ng banko ay dinakma na ito ng mga operatiba ng pulisya.

Samantala, ang ibang tauhan ng Davao City PNP na nakaposte sa labas ng banko ay niratrat naman ang nakaparadang SUV kung saan lulan ang tatlong kidnaper matapos na maunang magpaputok ng baril.

Narekober sa loob ng SUV ang ilang malalakas na kalibre ng baril, iba’t ibang bala, mga plaka ng sasakyan kung saan isa sa mga napatay ay may singsing ng Phil. Army 2007. The Phil. Star News Service at Joy Cantos

 

Show comments