Sayyaf lasog sa bitbit na bomba

MANILA, Philippines - Halos mawasak ang katawan at namatay ang ‘di-kilalang lalaki na sinasabing miyembro ng bomb terrorist squad  ng Abu Sayyaf Group matapos na sumabog ang bitbit nitong bombang itatanim sana sa mataong lugar sa Basilan kamakalawa ng hapon.

Gayunman, kasaluku­yan pang bineberipika ang pagkakakilanlan ng bomber na lulan ng motorsiklo.

Sa ulat ni P/ Senior Supt. Mario Dapilloza na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa kahabaan ng highway sa Barangay Balagtasan, Lamitan City.

Nabatid na nakamotorsiklo ang suspek patungong Isabela City nang biglang sumambulat  ang improvised explosive device na nakatago sa pouch bag nito na nakakabit sa kaniyang baywang.

Base sa intelligence report, may planong mag­hasik ng terorismo ang Sayyaf sa Isabela City na magpapasabog ng bomba sa mataong lugar kaya agad na naglatag ng checkpoint ang militar at pulisya.

“Mukhang hindi niya ina­asahan ang checkpoint ng military at police authorities dun sa area,” ani Dapilloza.

Bunga nito ay ipinihit ng suspek ang motorsiklo pabalik upang iwasan ang checkpoint pero ilang metro pa lamang nakakalayo ay biglang sumabog ang dala nitong bomba.

Sa lakas ng pagsabog ay halos nagkalasug-lasog ang katawan ng bomber habang narekober naman ang mga bahagi ng sumambulat na eksplosibo na kinabibilangan ng spare parts ng cell phone, isang piraso ng 81 millimeter ammunition at cal. 45 pistol.

Show comments