Mag-asawa natangayan ng P2.2-M

DUMAGUETE CITY, Philippines – Tinatayang aabot sa P2.2 milyong cash ang nalimas sa negosyanteng Briton at asawang Pinay matapos holdapin ng anim na kalalakihang lulan ng tatlong motorsiklo sa kahabaan ng San Juan Street sa Dumaguete City, Negros Oriental kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang mag-asawang biktima na sina Bryan Foster, 64; at Rosario Nee Beronilla na kapwa nakatira sa Burgos Street sa Barangay Lutao, bayan ng Bacong sa Negros Oriental. Base sa ulat ng pulisya, katatanggap lamang ng mag-asawa ng malaking halaga mula sa isa pang dayuhang Aleman bilang ikalawang bayad sa naibentang lupain sa bayan ng Valencia sa halagang P4.4 milyon. Habang lulan ng kanilang multicab ay hinarang sila ng tatlong motorsiklo na may lulang mga armadong kalalakihan. Nagdeklara ng holdap ang  grupo ng kalalakihan subalit pu­malag ang misis ng Briton na ibigay ang bag na naglalaman ng malaking halaga kaya kinulata siya ng isa sa anim na holdaper.Maging ang attaché case ng Briton na naglalaman ng mga dokumento, driver’s license, dalawang cell phones, camera kabilang na kanyang passport ay tinangay ng mga holdaper. Freeman News Service

 

Show comments