DOLORES,Quezon, Philippines – Patay ang isang barangay captain at kanyang misis matapos na ratratin ng lalaki na magkaangkas sa motorsiklo sa bayang ito kamakalawa ng umaga.
Nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa kanilang ulo at katawan sina Ricardo Romero, 58, may-sapat na taong gulang, kapitan ng Brgy. Bulakin 2 at misis na si Wilma Romero, 48, court employee ng Dolores Municipal Trial Court na kapwa dead-on-arrival sa Municpal Hospital.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Dolores PNP, sakay umano ang mag-asawa sa kanilang sasakyang jeep at kagagaling lamang sa kanilang bakery dakong alas-6:50 ng umaga nang buntutan ng riding-in-tandem na nakasuot umano ng helmet at mascara pagsapit sa Gurano St., Brgy. Bayanihan, nasabing bayan.
Lumampas umano sa sasakyan ng kapitan ang mga suspek at isa sa mga ito ay bumunot ng baril at pinaulanan ng punglo ang mga biktima saka mabilis na tumakas na sakay ng motorsiklong kulay itim at walang plaka.
Narekober ng mga nagrespondeng pulis ang mga basyo ng bala ng kalibre 45 pistola sa pinangyarihan ng insidente. (Tony Sandoval/Joy Cantos)