Misis pinalaklak ng muriatic acid ni mister

MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang 34- anyos na misis makaraan itong bugbugin at puwersahang painumin ng muriatic acid ng sadista nitong mister sa gitna ng mainitang pagtatalo sa Baguio city kamakalawa.

Kinilala ni Cordillera Police Office Spokesman Supt. Davy Vicente Limmong ang biktima na si  Hendralyn  Valdez, 34, sales supervisor at residente ng  Lower Victoria Village ng lungsod.

 Ang ginang ay patuloy na inoobserbahan sa maselan nitong kalagayan sa Baguio City Memorial Medical Center. Kasalukuyan namang pinaghahanap ang suspek na mister na si Salvador Valdez,  alyas Itong na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Dakong ala-1 ng madaling araw ng mangyari ang insidente sa tahanan ng mag-asawa kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga ito.

Sa gitna ng mainitang pagtatalo hinggil sa personal na problema sa pagsasama ng mag-asawa ay binugbog ng nasabing mister ang misis. 

Hindi pa nakuntento ang nasabing mister at puwersahan pa nitong pinainom ng muriatic acid ang ginang bagay na nasaksihan ng kanilang teenager na anak na agad nagsuplong sa Police Station 1 ng Baguio City Police.

Agad namang nagresponde sa lugar ang mga ele­mento ng pulisya pero hindi na inabutan ang tumakas na mister at isinugod rin ng mga ito ang ginang sa pa­gamutan. Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.

Show comments