Bus nahulog sa bangin: 27 sugatan
TAGKAWAYAN, QUEZON, Philippines — Dalawampu’t pito katao ang nasugatan makaraang aksidenteng mahulog sa bangin ang sinasakyan ng mga itong pampasaherong bus sa highway ng Brgy. San Vicente ng bayang ito bago maghatinggabi nitong Biyernes.
Kabilang sa mga nasugatan ay ang sampung biktima na nilalapatan ng lunas sa Tagkawayan District Hospital na sina Roland Sibajon, 31, Arnel Doroteo,31, Josephine Barley, 45,Monica Siaton, Emmion Oraion, 20, Manuel Lagranada, 56, Gonzalo Joble, 65; Maria Lagranada, 54; Ma. Cecilia Orain, 27; at Jinky Agra, 43, at iba pa.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-11:45 ng gabi habang lulan ng Peñafrancia Trans Travel and Transport ( TYV-2820 ) na minamaneho ni Gonzalo Joble ang mga biktima at tinatahak ang Quirino highway patungo sa Maynila.
Iniwasan umano ni Joble ang bagong gawang kalye na naging dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa manibela at tuluy-tuloy na bumulusok sa bangin na may lalim na 15-20 talampakan. Nagtulung-tulong naman ang mga rescuer upang maiahon ang mga biktima sa bangin matapos na maipit sa loob ng bus.
- Latest