Magkapatid na Fil-Algerian kinidnap ng Sayyaf

MANILA, Philippines - Dinukot ng walong armadong bandidong miyembro ng Abu Sayyaf ang  magkapatid na babaeng Filipino-Algerian national  sa naganap na insi­dente sa Brgy. Liang, Patikul, Sulu kahapon ng umaga.

Kinilala ni Task Force Sulu Commander Col. Jose Johriel Cenabre ang panibagong mga bihag na sina Linda Abdel Basit at Nadova  Abdel Basit.

Ayon kay Cenabre, dakong alas -9:30 ng umaga habang lulan ang mga biktima ng pampasaherong jeepney galing sa kapitolyo ng Jolo nang harangin ng grupo ng mga bandido pagsapit sa lugar.

Sinabi ni Cenabre na ang mga biktima ay nagtratrabaho bilang Public Relations  ng mga Tausug sa ilalim ni Sultan Bantilan Muizudin na ang tanggapan ay matatagpuan sa KM2, Brgy. Kajatian, Indanan, Sulu.

Tinukoy naman ni Cenabre ang namuno sa mga kidnapper sa alyas na Ninok Sappari, notoryus na lider ng Urban Terrorist Group ng Abu Sayyaf.

Nagsasagawa na ng search and rescue operations ang tropa ng Philippine Marines upang ligtas na mabawi ang dalawang bihag.

 

Show comments