3 ‘tulak’ itinumba
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang onsehan sa droga matapos ratratin ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan ang tatlong pinaghihinalaang notoryus na tulak ng shabu sa Brgy. Bonuan Binloc, Dagupan City nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Reynaldo Martinez, 47-anyos; Mamerto Penuliar Jr., 49; pawang taga- bayan ng Sta. Barbara at ang tricycle driver na si Napoleon Paraan, 45-anyos.
Ang bangkay ng mga biktima ay narekober ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya na pawang tadtad ng mga tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan sa nasabing tricycle na nakahambalang sa highway sa lugar.
Sa ulat ni Supt. Christopher Abrahano, hepe ng Dagupan City Police, ang mga biktima ay lulan ng tricycle bandang alas-9 ng gabi nang harangin ang mga ito ng mga armadong salarin sa Sitio Silungan, Brgy. Bonuan Binloc ng lungsod na ito.
Narekober din sa katawan ng mga napaslang na biktima ang ilang sachet ng methamphetamine hydrochloride o shabu.
Inihayag pa ng opisyal na pinaniniwalaang may kilaman sa illegal na bentahan ng droga ang motibo ng pamamaslang sa mga biktima.
- Latest