MANILA, Philippines - Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang 38-anyos na lalaki ng kanyang nakatatandang pinsan na natalo sa kanilang suntukan sa bayan ng Cortes, Surigao del Sur kamakalawa ng hapon.
Idineklarang patay sa Cortes Municipal Hospital ang biktimang si Macario Quejida matapos na magtamo ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Nahaharap naman sa kasong kriminal ang suspek na si Alberto Quejida, 53, na nagtamo ng matinding bukol sa ulo at mga pasa matapos na matalo ng biktima sa suntukan.
Sa ulat ni P/Supt. Martin Gamba, spokesman ng Caraga PNP na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-5:25 ng hapon nang magkainitan ang magpinsan kung saan humantong sa suntukan.
Binato pa ng biktima ang kanyang pinsan na napilitang umuwi at sa halip na magpunta sa ospital para magpagamot sa tinamong sugat ay kinuha ang patalim sa kanilang bahay.
Galit na sinugod ni Alberto ang nakababatang pinsan sa loob ng bahay saka pinagsasaksak ito na hindi na nakuhang makatayo matapos na mapuruhan sa dibdib.
Nagawang maisugod sa ospital ang biktima pero nabigong maisalba ang buhay habang boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang suspek.