MANILA, Philippines - Binistay ng bala sa harapan ng simbahan ang isang 34 anyos na mister ng hindi pa nakilalang motorcycle riding in tandem na mga kriminal sa Brgy. Poblacion, Trento, Agusan del Sur kamakalawa. Kinilala ni CARAGA Police Spokesman Supt. Martin Gamba ang biktima na si Anastacio Espiel, nakatira sa Brgy. Sta. Maria ng naturang munisipalidad. Base sa imbestigasyon, sinabi ni Gamba, bandang alas- 6:30 ng umaga habang nakatayo sa harapan ng isang simbahang Katoliko ang biktima ng biglang sumulpot ang mga salarin na magkaangkas sa kulay pulang motorsiklong Honda TMX na hindi nakuha ang plaka. Armado ng hindi pa natukoy na kalibre ng armas ay pinagbabaril ng mga suspek na kapwa nakasuot ng bullcap at bonnet ang biktima na duguang bumulagta sa insidente. Iniimbestigahan pa ang motibo ng krimen.