3 Briton nailigtas ng PH Navy

MANILA, Philippines - Tatlong Briton ang nai­ligtas ng mga awtoridad sa tiyak na panganib makaraang masiraan ang sinasakyang yate sa karagatan ng El Nido, Palawan kahapon.

Ayon kay AFP Western Command Spokesperson Lt. Cherryl Tindog, bandang alas-2 ng hapon nang masagip ng mga tauhan ng Task Force Malampaya ang mga turistang Briton. Ang mga ito ay turista na nagtungo sa Palawan para magbakasyon at makita ang magagandang tanawin ng lalawigan partikular na ang mga pamoso nitong beach resort at underground river.

Sinabi ni Tindog na agad inatasan ni Task Force Ma­lampaya Commander Captain Bayani Gaerlan ang kaniyang mga tauhan na magsagawa ng rescue operation matapos na makatanggap ng impormasyon sa nasirang M/Y Simoune yacht ng mga dayuhan simula pa noong Miyerkules ng gabi.

Natagpuan ang nasirang yate noong Huwebes sa dalampasigan ng El Nido, Palawan matapos ang 12-oras na paggalugad sa karagatan sa kabila ng masungit na panahon.

Ang yate ay natagpuang palutang-lutang sa hilagang bahagi ng Lalutaya Island at nailigtas ang 3 Briton na nilalamig na.

Idinagdag pa ng opisyal na maayos at ligtas na naihatid sa pampang ang mga Biktima.

Show comments