MANILA, Philippines - Magkasabay na sinalubong ni kamatayan ang mag-asawa makaraang makulong ng apoy sa loob ng nasusunog nilang tahanan sa kahabaan ng A. Lopez Street sa Barangay Labangon, Cebu City, Cebu kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng pulisya ang mag-asawa na sina Edgardo Miego, 60; at Margarita Miego, 57, kapwa hindi na makilala sanhi ng grabeng pagkasunog ng kanilang katawan.
Nabatid na natutulog ang pamilya Miego ng sumiklab ang sunog kung saan nagawang makaligtas ng anak na si Jolly, mister nitong si Dante, at ang 5-anyos na anak na babae.
Nabigo namang mailigtas ang mag-asawa dahil sa nababalot na ng apoy ang buong kabahayan.
Sa pahayag ni Jolly sa mga imbestigador, humingi ng gatas ang kanilang anak kaya nagising siya at laking gulat nang sumalubong ang makapal na usok sa kusina kaya ginising ang asawa at agad silang lumikas patungo sa balkonahe palabas.
Mabilis na kumalat ang apoy na tumupok rin sa 21 iba pang kabahayan.
Pinaniniwalaang faulty electrical wiring ang isa sa piangmulan ng apoy habang patuloy ang imbestigasÂyon.