Pulis, Coast Guard itinumba sa ferry boat

BATANGAS, Philippines – Itinumba ang dalawang alagad ng batas matapos itong pagbabarilin ng dalawang wanted na lalaki habang lulan ng ferry boat sa karagatan ng Batangas kamakalawa ng tanghali.

Kinilala ang dalawang napatay na sina PO2 Sherwin Reyes ng Regional Public Safety Battalion sa Mimaropa at Petty Officer 2 Romeo Bulaclac ng Philippine Coast Guard.

Samantala, ipinag-utos ni P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas PNP director ang malawakang manhunt operation laban sa suspek na si Manny Datingaling at isa nitong kasabwat.

Ayon sa police report, sakay ng M/V Falcon si PO2 Reyes patungong Batangas Port mula Puerto Galera nang mamataan nito si Datingaling na sakay din ng bangka.

Pagdaong sa Batangas Port, agad na inaresto ni PO2 Reyes si Datingaling at kasabwat nito na sinasabing nahaharap sa kasong murder at rape.

Nasamsam sa dalawang wanted ang dalawang baril sa tulong na rin ni Bulaclacpasado alas-12 ng tanghali.

Agad na inilipat nina PO2 Reyes at Bulaclac ang dalawang suspek sa isang bangka pabalik ng Puerto Galera para doon ikulong.

Gayon pa man, habang naglalayag ay nakatiyempo ang isa sa mga suspek na makuha ang isa pang baril na nakatago sa likod nito kung saan magkasunod na pinutukan sa ulo sina Reyes at Bulaklak.

Nakatakas naman ang dalawang suspek matapos ikomander ang banka patungo sa bahagi ng Barangay Tabangao, Batangas City.

Show comments