MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng magkapatid na bata at mag-asawang matanda matapos na makulong sa loob ng nasusunog nilang tahanan sa magkahiwalay na trahedya sa Zamboanga Sibugay kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Ariel Huesca na isinumite sa Camp Crame, nasunog ang bahay ng mag-asawang Imelda at Julito Tablate sa Purok Santan, Barangay Poblacion sa bayan ng Ipil , Zamboanga Sibugay kung saan nilamon ng apoy ang kanilang dalawang anak na sina Julito Tablate Jr., 13; at Julian, 7.
Sugatan naman si Imelda matapos tangkaing iligtas ang kanyang dalawang anak na bata.
Sa iniyal na imbestigasyon, nakasinding kandila na natumba sa sahig ng bahay ng pamilya Tablate kaya kumalat ang apoy sa buong bahay.
Samantala, napatay din ang mag-asawang Marcelino Laing, 80; at Domaya Laing, 75, matapos namang makulong sa loob ng kanilang tahanan na nasusunog kamakalawa ng gabi sa Barangay Muyo, bayan ng Buug, Zamboanga Sibugay.
Ang bangkay ng mag-asawang matanda ay narekober kinabukasan matapos na madiskubre ng isa nilang kapitbahay na may isang kilometro ang layo sa tahanan ng pamilya Laing.