NUEVA VIZCAYA, Philippines – Bumulagta ang tatlong rebeldeng New People’s Army (NPA) makaraang makasagupa ang tropa ng militar sa liblib na bahagi ng Barangay Butac sa bayan ng Aguinaldo, Ifugao kamakalawa ng umaga. Sa ulat ng 5th Infantry Division, nakasagupa ng 54th Infantry Battalion ng Phil. Army ang grupo ni Kumander Artos Talastas sa nasabing barangay. Tumagal ng ilang oras ang bakbakan bago nagsiatras ang mga rebelde bitbit ang mga sugatang kabaro. Ayon kay Colonel Loreto Magundayao ng 5th Infantry Division, narekober sa encounter site ang tatlong M16 Armalite rifles, dalawang M14 Armalite rifles at M203 grenade launcher. Victor Martin