BATANGAS, Philippines – Tatlong construction worker ang iniulat na nasawi habang tatlong iba pa ang sugatan matapos matabunan ng gumuhong lupa sa hangganan ng bayan ng Laurel, Batangas at sa bayan ng Alfonso, Cavite kahapon ng hapon. Kinilala ni P/Senior Insp. Ireneo Bajado, hepe ng Laurel PNP ang mga nasawi na sina Carlo Tenorio, Ammiel Montalbo at si Rodel Tibang habang sugatan naman sina Alfredo Bautista, at Waldy Montiero. Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas PNP director, limang trabahador ang naglalagay ng rip-rap sa gilid ng bundok sa Barangay Dayap Itaas sa bayan ng Laurel nang biglang dumausdos ang tone-toneladang lupa at bato mula sa bundok hanggang sa matabunan ang mga biktima. Nahukay naman ang limang biktima kung saan si Tenorio ay namatay habang ginagamot sa Poblete Hospital sa Alfonso, Cavite habang sina Montalbo at Tibang ay idineklatang patay sa Metropolitan Medical Center sa Nasugbu, Batangas.