BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng apat na miyembro ng notoryus na Ozamis Robbery Gang na sangkot sa serye ng holdapan makaraang madakma ng mga operatiba ng pulisya sa Meycauayan City, Bulacan kamakalawa.
Sumasailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Pepito Lago Sr., 57; Harry Maasin, 46; William Nagita, 24; at si Jayua Lago, 23, mga tubong Cagayan De Oro City at nakatira sa Katapatan Subd., Brgy. Banaybanay, Cabuyao, Laguna. Tinutugis naman ng pulisya ang nakatakas na lider ng grupo na si Wilfredo “Kulot†Panogalinga, 30; at kasamahan na si Dave Clark Lago, 30.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Sidney Villaflor, nasakote ang mga suspek matapos holdapin ang mag-asawang Rodelio Quidasol at Irene Quidasol matapos mag-wihdraw ng malaking halaga sa banko sa Barangay Banga sa nabanggit na lungsod noong Martes ng hapon.
Nasamsam sa mga suspek ang cal .45 pistol, Armalite butt para sa M-16, shoulder bag at celpone na pag-aari ng mag-asawang Quidasol, BDO passbook at ang Nissan X-Trail (XPM-392 ) na ginagamit sa modus operandi.
Sa tala ng pulisya, ang mga suspek ay sinasabing sangkot panghuholdap at pagpatay sa mag-inang Ruth Guevarra, 60; at Pia Girlie Guevarra noong Marso 26, 2013 sa Brgy. Calvario kung saan nilimas ang malaking halaga.
Maging ang negosyanteng si Jerry Mabanag ay hinoldap din ng mga suspek kung saan tinangay ang P.2 milyon noong Abril 19, 2013 sa nasabing barangay.