NPA attack sa airport: 3 sundalo patay
CAMARINES SUR, Philippines - Tatlong sundalo ang nagbuwis ng buhay habang isa pa ang nasugatan makaraang harangin ng tropa ng mga sundalo ang pananabotahe ng mga rebeldeng New People’s Army sa itinataÂyong international airport sa bahagi ng Sitio Sta Lucia, Barangay Maninila sa bayan ng Camalig, Albay kahapon ng umaga.
Ayon kay Col. Generoso Bolina, deputy ng Army’s 901st Infantry Brigade, bandang alas-8:30 ng umaga nang atakihin ng mga rebeldeng NPA ang tropa ng Army’s 2nd Infantry Battalion pero sa kabila ng nalagasan ang militar ay nasilat naman ang planong pananabotahe ng mga kalaban.
Base sa ulat, nagsasagawa ng foot patrol ang mga sundalo ng Army’s 2nd Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Andrew Costelo nang biglang sumambulat ang landmine na itinanim ng mga rebelde.
Dito na niratrat ng mga rebelde ang mga sundalo na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong sundalo.
Kinilala naman ni Major Angelo Guzman ang mga nasawing sundalo na sina Corporal Sandy C. Seniadan, Pfc. Jaypee Cortez, Pfc. Roderick V. Barrameda.
Ang mga sundalo ay ipinadala sa nasabing lugar matapos na makatanggap ng intelligence report na aatake ang mga rebelde sa itinatayong international airport sa Albay.
Tinangay ng mga rebelde ang tatlong malalakas na kalibre ng baril ng mga napatay na sundalo.
- Latest