8-anyos todas sa 12-anyos kuya

MANILA, Philippines - Sa pag-aakalang laruan, nabaril ng shotgun at napatay ang 8-anyos na bunsong kapatid ng 12-anyos na kuya habang naglalaro sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Siay, Zamboanga Sibugay kamakalawa ng gabi.

Nasapul ng bala ng shotgun sa dibdib ang biktimang si Jonel Rufino Rosal habang nasa state of shock naman ang batang suspek na itinago sa pangalang Ramil matapos mabaril ang kanyang utol.

Sa ulat na nakara­ting kay P/Chief Inspector Ariel Huesca, spokesman ng police regional office, naganap ang insidente sa inuupahang bahay ng pamilya Rosal sa Barangay Sibuguey.

Nabatid na naglalaro ng taguan ang magkapatid nang makita  ng suspek ang shotgun na nakatago sa ilalim ng kama ni Dasio Lumbuan.

Sa beripikasyon ng pulisya, ang baril at bahay na inuupahan ng pamilya Rosal ay sinasabing pag-aari ni Alfredo Lumbuan na namatay na .

Gayon pa man sa pag-aakalang laruan ang shotgun ay agad na itinutok ng suspek sa kaniyang kapatid saka kinalabit ang gatilyo.

Dito sumapul ang bala sa dibdib ng biktima kung saan duguang bumulagta.

Agad namang napasugod ang ina ng mag-utol sa pinagmulan ng putok at humahagulgol itong niyakap ang duguang anak na wala ng buhay.

Show comments